Paggunita sa Ika-50 Taon ng Pagdedeklara ng Martial Law ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Limampung taon pagkatapos ng pagdedeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., noong ika-21 ng Setyembre 1972, marami ang nagsasabing dapat na tayong mag-move on, na ibaon na sa limot ang nakaraan upang tuluyan nang umusad pasulong ang bayan. Naihalal na bilang pangulo ang kanyang anak, at tila nakuha na muli ng pamilyang Marcos ang tiwala ng karamihan sa taumbayan.
Mag-move on na, kahit na ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), tinatayang ₱174.2 bilyon pa lamang ng ₱506 bilyon na nakaw na yaman ng pamilyang Marcos ang nababawi ng pamahalaan mula 1986 hanggang sa kasalukuyan. Magpatawad na raw kahit na ayon sa Amnesty International, marami pa rin sa 107,200 na biktima ng iligal na pagdakip, pagkakulong, pag-torture, at pagpatay noong rehimeng Marcos ang patuloy pa ring naghahanap ng katarungan. Mag-move on at magpatawad na, alang-alang sa ikauunlad ng bayan at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
Ano ba ang turo ng Simbahang Katolika sa pagharap sa mapait na kasaysayan ng pang-aabuso at pagpapahihirap sa bayan? Ang pag-move on ba at pagpapatawad ang maka-Kristiyanong tugon sa pagharap sa trahedyang dulot ng Martial Law?
Ayon kay Pope Francis sa kanyang liham na Fratelli Tutti (246-249), hindi tayo makauusad pasulong kung hindi tayo lilingon sa nakaraan. Hindi tayo uunlad kung walang tapat at malinaw na pag-alaala sa kasaysayan. Kailangang mapanatiling umaalab ang apoy ng ating pinagbuklod na konsensiya o “collective conscience”. Kailangan nating tumayo bilang saksi sa mga trahedya ng nakaraan para sa mga susunod na henerasyon. Pinapanatiling buháy ng mga saksi ang alaala ng mga biktima sa mga trahedyang ito upang manaig ang ating konsensiya laban sa mga mapanirang puwersa sa kasalukuyan. Ang mga alaalang ito ang mag-uudyok sa ating lumikha ng isang bukas na patas sa lahat at walang naiiwan.
Kaya bahagi ng pag-move on ang pagpapanatiling buháy at sariwa sa ating mga alaala ng nakaraan, ang pagkilos sa kasalukuyan at pagtanaw sa hinaharap. Sa madaling sabi, huwag limutin ang nakaraan. Laging sariwain ito sa alaala, bilang gabay sa pagtugon sa kasalukuyan.
Sabi naman ng iba, katulad ni Hesus, dapat matuto tayong magpatawad at bigyan ng pagkakataong magbago ang mga nagkasala. Kung ang Diyos nga nagpapatawad, tayo pa kaya? Patuloy ni Pope Francis sa Fratelli Tutti (250-253), dapat magpatawad, ngunit huwag makalimot. Forgive, but do not forget.
Sa pagpapatawad, dapat panagutin ang mga maysala. Hindi tinatanggal ang pananagutan ng nagkasala sa mali niyang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit sa pagpapahayag ni Hesus ng Kaharian ng Diyos, sinabi Niya ang mga katagang “Kaya magsisi na kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan” (Mk 1:15). Ibig sabihin, bahagi ng kapatawaran ang pag-amin sa nagawang kasalanan at pagbabagong-buhay.
Sabi pa ni Pope Francis, hindi akma ang panawagang magpatawad kung magbubunga ito ng pagsasantabi ng ating mga karapatan at ng pagkawala ng pagkakataong harapin ang mga taong hindi pinahahalagahan ang ating dignidad. Tinatawag tayong mahalin ang lahat, kabilang ang mga umaapi sa atin, ngunit hindi dapat kinukunsinti ang kanilang pang-aabuso at pagmamalupit. Hindi natin dapat hayaang maniwala silang katanggap-tanggap ang mga kasalanang kanilang ginawa. Ang pagpapahinto sa kasamaan at ang pagwawaksi sa kapangyarihang kanilang inabuso, na nagpapababa sa pagkatao nila at ng iba, ang mapagmahal na tugon sa mga nang-aapi.
Kaya naman, bilang tugon sa hamon ng ating pananampalataya sa Diyos, ating sinagan ng liwanag ang madilim na yugtong ito ng ating kasaysayan. Gunitain natin ang pinagdaanang hirap at pasakit ng ating bayan lalo na ang mga naging biktima ng Martial Law. Kailangang patuloy na ipagtanggol ang mga biktima ng kawalan ng katarungan at ang kanilang mga karapatan upang maitaguyod ang kanilang dignidad na isang biyaya mula sa Diyos.
Hindi ipinagbabawal ng pagpapatawad ang paghahabol sa katarungan, bagkus kinakailangan ito. Kung ang nais natin ay kapatawaran na ang layunin ay ang paghilom ng mga nasirang ugnayan, hindi maaaring mawala o isantabi ang pagtutuwid sa mga karahasan at iba pang nagawang ‘di makatarungan.
Patuloy tayong tumindig at kumilos para sa katotohanan at katarungan.
Ito ang tunay na pag-move on.
Ito ang tunay na pagpapatawad.
#NeverForget
#NeverAgain