Ang Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o JJWA, na inamyendahan ng Republic Act No. 10630 noong 2013, ay nagtatakda ng isang hiwalay na sistemang pangkatarungan para sa mga mga batang lumabag sa batas o children in conflict with the law (CICL). Ngunit hindi ito lubusang nauunawaan ng marami, maging ng mga “duty bearers” o tagapagpatupad ng batas, dala marahil ng pasikut-sikot na prosesong pagdaraanan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga CICL at ng mga batang posibleng makalabag sa batas o children at risk (CAR).
Layunin ng isyung ito ng Intersect Quick Facts na ipaliwanag ang ibig sabihin ng intervention at diversion, ang sinasabing “puso” ng JJWA. Ipakikita rito kung paano ito ipatutupad at sinu-sino ang mga dapat magpatupad nito, lalo na sa antas ng barangay. Sa mga nagsasabing mahirap ipatupad ang JJWA, may tatlong halimbawa sa dulo ng isyung ito na naglalarawan ng mahusay na pagpapatupad nito.