Madalas na nakabatay sa ating nalalaman ang mga pinaniniwalaan at pinahahalagahan natin. Kung tama ang alam natin, malamang na tama rin ang magiging desisyon natin. Kung baluktot na impormasyon ang nakukuha natin, maaaring maging mali ang mga desisyong gagawin natin base rito.
Ang panganib ng misinformation at disinformation
Sa panahon ngayon, maraming kumukuha ng impormasyon mula sa social media katulad ng Facebook, YouTube, at Tiktok. Pero may dalawang kategorya ng maling impormasyong kumakalat sa social media na dapat nating bantayan: ang misinformation at disinformation. Sa parehong kategorya, mali o peke ang impormasyong ibinabahagi. Nagkakaiba lang sila sa intensyon ng pagbabahagi nito. Kapag misinformation, hindi sinasadya ng taong nagbabahagi na magpakalat ng maling impormasyon. Ibinabahagi niya ito dahil inaakala o naniniwala siyang tama o totoo ito. Kapag disinformation, alam ng nagbabahagi na maling impormasyon o kasinungalingan ang kanyang ikinakalat. Sinasadya niya itong ipalaganap upang impluwensiyahan ang pananaw o saloobin ng publiko (o ng mga taong babasa nito) para sa pansariling layunin o interes, o kaya naman ay upang manira ng iba (Ireton and Posetti 2018).
Parehong may dalang panganib ang misinformation at disinformation, pero mas delikado ang disinformation dahil sa lantarang intensyon nitong magsinungaling, manloko, o manlinlang. Matindi rin ang panganib ng paglaganap ng disinformation sa social media dahil napakaraming Pilipino ang gumagamit ng social media, lalo na ng Facebook, at umaasa sa mga ito upang makakuha ng balita at impormasyon (tingnan ang datos sa gilid). Kaya naman, ang paglaganap sa social media ng mali o pekeng impormasyon ay isa sa malalaking bantang dapat na bantayan ng mga lider ng mga bansa (World Economic Forum 2013).
Patient zero ng pandemya ng fake news
Sa usaping pulitika at halalan, may masamang epekto ang paglaganap ng misinformation at disinformation sa kalayaan ng mga mamamayang pumili ng karapat-dapat na mga pinuno ng kanilang bansa. Makatutulong sana ang social media para sa malayang talakayan at palitan ng impormasyon tungkol sa pulitika, halalan, at mga kandidato. Ngunit dahil sa organisado at sistematikong pagmamanipula ng ilang grupo, hindi na tunay na malaya at patas ang nagiging bahaginan ng impormasyon sa social media. Kontrolado ng ilang grupo ang mga impormasyong kumakalat sa social media at kung sinu-sino ang makakatanggap ng mga ito.
Tinawag ngang “patient zero” ang Pilipinas sa malawakang problema ng disinformation (Harbath 2018). Ibig sabihin, dito unang naganap ang malawakan at organisadong pagmanipula sa social media sa pamamagitan ng mga online influencers at troll army na binabayaran upang magpalaganap ng disinformation at impluwensyahan ang resulta ng halalan noong 2016.
Pagbabaluktot ng kasaysayan at katotohanan ng Batas Militar at rehimeng Marcos bilang halimbawa ng disinformation
Isa sa mga matagal nang napansin ng mga dalubhasa na bahagi ng sistematikong paglaganap ng disinformation sa YouTube, Facebook, at Tiktok sa Pilipinas ay ang tungkol sa panahon ng Batas Militar o Martial Law at sa panunungkulan ng diktador na si Ferdinand Marcos (mula Disyembre 1965 hanggang Pebrero 1986). Layon ng mga itong baluktutin at balewalain ang katotohanan tungkol sa yugtong ito ng ating kasaysayan: ang malawakang pagnanakaw ng mga nasa gobyerno, pag-abuso sa kapangyarihan, ang karangyaan ng pamilya Marcos sa gitna ng matinding kahirapan, at iba pang pagmamalabis ng rehimen. Dahil napabayaan ang paglaganap ng mga kasinungalingang ito, marami ang napaniwala. Nakababahala ito.
Sa isyung ito ng Intersect Quick Facts (IQF), iisa-isahin ang ilang sabi-sabi tungkol sa Martial Law at sa rehimeng Marcos at ang katotohanan sa likod ng mga ito gamit ang mga impormasyong mula sa mga legal na dokumento, mga pananaliksik ng mga eksperto, at nailathalang kuwento ng mga nabuhay sa malagim na bahaging iyon ng ating kasaysayan. May mga sabi-sabing ginagamit pa ang Bibliya at mga turo ng Simbahan, kaya susubukan din ng isyung ito na tapatan ang mga ito ng ilang paglilinaw at kaunting pagninilay. Ang huling bahagi naman ay ilang paalala kung paano natin maipagtatanggol ang katotohanan sa gitna ng mga kasinungalingan at panloloko.