Sa bisa ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act, lahat ng Pilipino ay miyembro na ng PhilHealth , ang tagapagpatupad ng National Health Insurance Program. Sa madaling salita, sasagutin ng PhilHealth ang porsyento ng bayarin sa ospital ng sinumang pasyente. Ilan sa pagkukunan ng pondo para dito ay ang iniaambag ng mga miyembro (o premium contribution), ang badyet na inilalaan ng gobyerno taun-taon, ang nalilikom mula sa partikular na mga buwis, at ang kinikita ng ahensya mula sa mga investments.
Maraming Pilipinong naoospital ang umaasa sa PhilHealth. Napakamahal naman talaga kasing magkasakit. Pero kahit may UHC Act na, pili lamang ang mga kasong pangkalusugan na sagot ng ahensya ang panggastos. Hindi rin ganoon kalaki ang nababawas sa hospital bill gamit ang PhilHealth kaya may mga kababayan tayong nalulubog sa utang o napipilitang lumapit sa mga pulitiko.
Kaya maraming umalma—mula sa mga mambabatas at health advocates hanggang sa mga ordinaryong mamamayan—nang utusan ng Department of Finance (DOF) ang PhilHealth na magsauli ito ng excess fund nito sa national treasury. Sa madaling salita, ang ₱89.9 bilyon na sobrang pondo ng PhilHealth ay, alinsunod daw sa batas, dapat ibalik sa kaban ng bayan. Paliwanag ng ahensya, hindi ginalaw ang kontribusyon ng mga miyembro kaya wala raw silang dapat ipag-alala. Giit naman ng mga health reform advocates, mas pinakinabangan dapat ng mga miyembro ang excess funds lalo na’t laging butás ang bulsa ng mga Pilipino tuwing may magkakasakit at maoospital sa kanilang pamilya .
Makatulong sana ang isyung ito ng Intersect Quick Facts (IQF) para mas masuri ang mga usaping ito sa PhilHealth.